3-point record naitabla ng Boston Celtics sa opening night ng NBA Season 79
Naitabla ng defending champion Boston Celtics ang record ng may pinakamaraming three-pointers na ginawa ng isang koponan sa kanilang panalo laban sa New York Knicks, 132-109, sa opening night ng 2024-2025 Season ng NBA.
Bago magsimula ang laro, natanggap ng Celtics ang kanilang championship rings at itinaas sa rafters ng ang ika-18 banner ng prangkisa.
Kinuha ni Jayson Tatum ang mikropono bago ang seremonya para bigyang pugay din ang mga tao sa loob ng TD Garden sa Boston.
“Enjoy this moment together. Let’s do it again,” ani Tatum.
Sinimulan agad ni Tatum ang laro sa pamamagitan ng isang 3-pointer at natapos ang laro na may 8/11 mula sa rainbow country. Pinangunahan din niya ang kanyang koponan sa pamamagitan ng game-high 37 points, kasama ang 10 assists, apat na rebounds, isang steal, at isang block. Bukod pa riyan, si JT ay mayroon ding game-high na +26.
May pinagsamang 29/61 (47.5%) mula sa three-point territory ang Boston sa buong laro. Ang kanilang 29 ay nagtabla sa rekord na naitala naman ng Milwaukee Bucks noong 2020, habang ang Knicks ay naglagay din ng disenteng mga numero mula sa downtown na may 11/30 shooting ngunit hindi sapat para ibagsak ang record ng Celtics.
Sa kalagitnaan ng fourth quarter ay naitatag ng Celtics ang pinakamalaking kalamangang sa 35 na hindi na nahirapan ng habuling ng Knicks, at hawakan nila ang kanilang malaking pangunguna hanggang sa final buzzer.
Nanguna rin sila sa rebounding department, at mayroon silang impresibong kabuuang 33 assists laban sa tatlong turnovers lamang.
Umiskor sina Jalen Brown at Jrue Holiday ng tig-23 puntos para sa Boston upang sundan ang all-around game ng JT, habang nagdagdag sina Derrick White at Luke Cornet ng 21 at 14, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, pinangunahan nina Jalen Brunson at Miles McBride na may tig-22 markers ang Knicks ngunit may pinagsamang -41 din.
Nag-ambag ang newly-acquired big man ng New York na si Karl Anthony-Towns ng 12 puntos, pitong rebounds at tatlong assisst sa kanyang bagong koponan.
Sunod namang makakaharap ng Celtics ang Wizards sa Oktubre 25 (PHT) sa Washington at laban sa Pistons sa Linggo, Oktubre 27, sa Detroit.
Habang susubukan ng New York Knicks na makabalik sa kanilang tahanan sa Madison Square Garden sa New York kapag lalabanan nila ang Indiana Pacers sa Linggo, Oktubre 27.