“Taympers”: Pagsasakatuparan ng pangarap ni Troy Rosario

Noong Nobyembre ng 2024, natupad na ang pangarap ni Jeth Troy Rosario na makapaglaro sa paboritong koponan ng kanilang pamilya - ang Barangay Ginebra San Miguel.
Pumirma si Rosario ng tatlong taong kontrata para sa paborito ding koponan ng masa.
Maganda ang ipinakita ni Rosario bilang Gin Kings player ng siya ay nagtala ng nine points at seven rebounds sa kanyang unang laro para sa koponan noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Kasama si Rosario sa nagtala ng 4-2 win-loss record ang Ginebra sa kanilang PBA Season 49 Commissioner's Cup campaign bago ang magkaroon ng maikling pahinga bago salubungin bagong taon.
At sa pagsisimula nga ng 2025, ipinakitang muli ng dating National University stalwart ang kanyang kakayanang bumuhat ng koponan nang siya ay tanghaling Best Player of the Game sa kanilang 93-81 win laban sa powerhouse na San Miguel Beermen.
Nagtala ang 6-foot-7 forward ng double-double performance na 22 points at 10 rebounds sa loob ng 33 minutong paglalaro. Mayroon din siyang isang shot block at kumamada ng 4-of-8 shooting mula sa three-point territory.
Dahil sa panalo, hindi lamang ang pangarap na makapaglaro sa kanyang paboritong koponan ang natupad. Naipakita rin niya na kapag naabot mo na ang pangarap, nararapat lamang na mas paghusayan pa at dagdagan pa ang karangalan sa buhay.
Susunod na makakalaban ng Barangay Ginebra (5-2) ang kasalukuyang league-leader na NorthPort Batang Pier (6-1) ngayong Miyerkules, Enero 8, sa PhilSports Arena.
Pagkatapos ay kakaharapin naman nila ang dating koponan ni Rosario bago ito maging free agent. Makakaraharap nila ang Blackwater Bossing sa Linggo, Enero 11, sa Ynares Center sa Antipolo.
Sa tinatakbo ng laro ng Ginebra sa ngayon, posibleng umusad pa sila pataas at maaring matupad ang isa pang parangap ng isang Jeth Troy Rosario – ang muling magkampeon sa PBA, suot naman ang jersey ng kanyang childhood dream team.